By Ara Mae Maico

Isang demonstration teaching pageant ang isinagawa ng Abuyog Community College para sa mga mag‒aaral ng Bachelor of Elementary Education upang alamin at gawaran ng parangal ang pinakamahusay pagdating sa demonstration teaching matapos ang halos tatlong buwang teaching internship.

Pinangunahan ang nasabing teaching demonstration pageant ni Dr. Domer P. Regis, Internship Coordinator ng BEED at Dean ng College of Arts, Sciences and Education na dinaluhan naman ni Jasper Dulosa, Planning Officer ng ACC.

Ginanap ito sa Bernardo V. Closa Central School Extension na matatagpuan sa Brgy. Guintagbucan Abuyog, Leyte noong ika‒26 ng Hunyo.

Bawat cooperating school ng ACC ay pumili ng isang best in demonstration teaching at ang mga napili ay nagpaligsahan sa pagalingan sa pagtuturo. Napili ng MacArthur Central School si Jade Sinfuego, Bryan Cahulugan sa Javier Central School, McDan Abenoja ng Gabaldon Central School, Shekinah Mae Caminong ng Abuyog South Central School, Justin Labrado ng Sta. Fe‒Sto. Niño Elementary School at John Paul Adtoon ng BV Closa Central School.

Nagsilbing hurado naman sina Geralyn D. Austero at Elisa M. Bidong na parehong Master Teacher I ng Bernardo V. Closa Central School. Sila ang sumiyasat sa bawat kalahok sa isinagawang tagisan at pagalingan sa pagtuturo.

“Hindi ko inaasahan na ako ang mapipili bilang representative ng MacAcrthur Central School bilang best in demo teaching dahil para sa akin halos naman lahat ay magaling sa pag demo teaching. Nang ako ang napili ng aming punong guro ang aking naramdaman ay magkahalong saya at kaba, ngunit nangingibabaw ang saya. Happiness because all my efforts as a student intern have been paid off,” saad ni Jade Sinfuego ng makapanayam siya ng The Honeycomb Campus Media tungkol sa kanyang pakiramdam na siya ang napiling best in demo teaching ng MacArthur Central School.

Ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng paligsahan sa pagalingan sa pagtuturo, at para sa kanya dito naipapakita kung gaano kagaling ang bawat isa at kung ano ang tamang gawi at paraan ng pagtuturo sa mga bata.

Malalaman ang resulta ng kompetisyon sa mismong araw ng parangal ng Abuyog Community College na inaasahang magaganap ngayong darating na Agosto.