ACC, Nagdaos ng Gabi ng Pasasalamat at Pagkilala
ni Jennifer Nuevas
Ipinagdiwang ng Abuyog Community College (ACC) ang kanilang mga tagumpay at ipinagpasalamat ang suporta ng komunidad sa isang espesyal na gabi ng pagkilala at pagsasalamat noong ika-27 ng Oktobre sa Nalibunan mini gym, na may temang, “Pagsasalamat at Pagkilala: Isang Gabi ng Pagkilala sa mga Natatanging Tagumpay ng ACC.”
Sa natatanging okasyong ito, pinangunahan ng mga kilalang personalidad mula sa gobyerno at edukasyon ang pagdiriwang, na nagbigay-pugay sa ACC sa kanilang pagbalik sa Free Higher Education Program.
Nakiisa sa naturang pagdiriwang sina Hon. Carlo Loreto, board member ng Leyte, Ms. Charo Ann Casil ng Legislative Office, CHED Director Dr. Maximo Aljibe, at Municipal Mayor ng Abuyog, Hon. Lemuel Gin K. Traya. Kasama rin ang mga lider ng ACC at iba pang mahahalagang bisita mula sa LGUs, Board of Trustees, at mga kinatawan ng sektor ng edukasyon at negosyo, na nagpamalas ng kanilang suporta sa mga tagumpay ng ACC.
Nagsimula ang selebrasyon sa isang misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Eliseo Loreto ng San Pedro Calungsod Parish and Shrine, na ginanap sa Abuyog Mini-gym. Sinundan ito ng makulay na motorcade na pinangunahan ng CHED Regional Office VIII, mga Board of Trustees, akademikong pamunuan ng ACC, mga guro, at mga licensure exam passers sa Teacher Education at Criminology na nagbigay sigla sa komunidad ng Abuyog.
Sa kanyang welcome remarks, ipinahayag ni Dr. Clemmelle L. Montallana, Pangulo ng ACC, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa muling pagsama ng ACC sa Free Higher Education Program. Aniya, ang tagumpay na ito ay isang makabuluhang panalo hindi lamang para sa ACC kundi pati na rin sa mga magulang at mag-aaral ng Abuyog at kalapit na komunidad.
“The impact of free higher education extends beyond the classroom. It empowers families, boosts the local economy, and strengthens our community. With more students able to pursue higher education, we will see a ripple effect of positive change. Graduates will have better employment prospects, contributing to the economic development of Abuyog and the entire region.”
Bilang sentro ng programa, iginawad ni Dr. Maximo Aljibe ang Institutional Recognition Certificate sa ACC, bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon. Tinanggap ito ni Hon. Lemuel Gin K. Traya, Executive Chairman at Municipal Mayor, na nagbigay ng acceptance speech bilang pasasalamat sa tagumpay ng ACC.
Sa kasunod na bahagi, pinanood ang isang tribute mula sa ACC Choral at isang video presentation na nagbalik-tanaw sa paglalakbay ng ACC sa pagbabalik ng Free Tuition Program. Nagbigay rin ng pagbati sina Hon. Carlo P. Loreto, Board Member ng Leyte, at nagbahagi ng mga mensahe sina Tingog Partylist Congressman, Hon. Jude Avorque Acidre, at Supreme Student Council President Glaiza Marie Cabalhin, na nagbigay-inspirasyon sa mga estudyante.
Matapos ang isang masaganang hapunan, nagbigay-aliw ang mga ACCians sa pamamagitan ng iba’t-ibang presentation na nagbigay kasiyahan sa mga dumalo. Iginawad rin ang mga sertipiko sa mga pumasa sa Board Licensure Examination for Professional Teachers at Criminology Licensure Examination. Sa kanilang mga talumpati, ibinahagi nina John Paul Adtoon at Ruby Dane Marie S. Valero ang kanilang karanasan at inspirasyon bilang mga bagong lisensyadong propesyonal.
Bilang pangwakas, nagbigay ng mensahe si Sheila V. Posas, Vice President for Administration and Finance ng ACC, na sinundan ng isang finale presentation mula sa ACC Family. Ang gabi ay nagtapos sa isang masayang photo opportunity kasama ang lahat ng mga dumalo bilang simbolo ng pagkakaisa at pagkilala sa ACC.
Sa kabuuan, ang gabi ay naging makabuluhang paggunita ng tagumpay, pagkakaisa, at pasasalamat sa ACC at sa buong komunidad ng Abuyog—isang paalala ng kanilang patuloy na dedikasyon sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon para sa bawat kabataan ng bayan.