Batch Abyanon, Kinilala ang Pagsusumikap Tungo sa Tagumpay sa Recognition Day 2025 Ni Rodelyn Petere
Sa ilalim ng temang “From overcoming barriers to embracing possibility — honoring those who turned striving into thriving,” pinarangalan ng Abuyog Community College ang di matatawarang sipag, tiyaga, at determinasyon ng mga estudyanteng kabilang sa Batch Abyanon sa ginanap na Recognition Day 2025 nitong Hulyo 28 sa ACC open gym.

Nagsimula ang programa sa taimtim na panalangin na pinangunahan ni Roldan Pakiding, isang BS Criminology graduate, sinundan ng pag-awit ng Philippine National Anthem, Abuyog Hymn, at ACC Hymn.
Isang malikhaing Welcome Remarks sa anyo ng kuwentong nagbibigay-inspirasyon ang inilahad ni Dr. Annabelle A. Dela Rama, na nagpatingkad sa kahulugan ng pagtatapos hindi lang bilang layon kundi bilang isang paglalakbay.
Kasunod nito ay ang pagbibigay ng parangal ang mga natatanging estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo na hinati sa apat na set—una na riyan ay ang College of Arts, Sciences, and Education (CASE), na sinundan ng College of Hospitality Management and Entrepreneurship (COHME), pangatlo ay ang College of Information Technology Education (CITE) at panghuli ay ang College of Criminal Justice Education (CCJE). Ang bawat parangal na kanilang natanggap hindi lang sa pagkilala sa kanilang akademikong tagumpay, kundi sa kanilang mga pinatunayan sa kabila ng mga balakid.
Nagbigay naman ng Inspirational Message ang panauhing pandangal na si Gng. Apple Mae L. Hermosilla, isang ACC alumna, na nag-iwan ng panibagong apoy sa puso ng mga estudyante sa kanyang pagbabahagi ng kanyang sariling kwento ng pagpupunyagi at tagumpay.
Tampok rin ang mga intermisyon na lalong nagpatingkad sa diwa ng selebrasyon: vocal solo ni Philip Jay Sampilo, BSEd Social Studies graduate, spoken word poetry ni Mark Lloyd Malate, BSEntrep graduate at dance sports presentation mula sa ACC Dance Troupe.
Ipinahayag naman ang Words of Gratitude ni Norlly John M. Codilla, SENCO President, na nagpasalamat sa mga gurong naging gabay, magulang na naging sandigan, at mga kapwa mag-aaral na naging katuwang sa paglalakbay.
Binigyang-pagpupugay sa Closing Remarks ni Executive Vice-president, Dr. Asuncion M. Villote ang buong Batch Abyanon, sabay pagpapaalala na ang pagtatapos ay simula ng mas malawak pang hamon at pagkakataon.
Sa likod ng bawat ngiti at parangal ay mga gabing hindi na halos matahimik sa pag-aaral, mga proyektong iginapang, at mga pangarap na unti-unting binuo sa kabila ng hirap ng buhay. Ang araw na ito ay hindi lamang selebrasyon ng tagumpay, kundi pagkilala sa mga sakripisyong hindi nasusukat ng sertipiko o medalya.
Mula sa buong Abuyog Community College, taas-noo naming sinasambit—saludo kami sa inyo, Batch Abyanon! Hindi lang kayo nagsikap — kayo ay lumampas. Nawa’y patuloy kayong magningning sa panibagong landas na inyong tatahakin.